Mga sasakayang walang plaka, huhulihin na sa lungsod ng Maynila

Naglabas ng kautusan ang lokal na pamahalaan ng Maynila sa Manila Police District (MPD) na hulihin ang mga sasakyan na bumibiyahe sa nasabing lungsod na wala mga plaka.

Bukod dito, nais rin ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) na hulihin rin ang mga sasakyan na may takip ang plaka at mga may sira o hindi na mabasa ang plate number.

Batay sa memorandum na ipinadala ni MTPB Director Dennis Viaje kay MPD-Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU) Chief P/Maj. Anthony Coyle Olgado, naobserbahan nila na nitong mga nagdaang linggo ay tumataas ang bilang ng mga sasakyang walang plaka.


Maging ang mga plakang may takip at sira ang gamit nilang plaka ay patuloy na bumibiyahe sa lungsod ng Maynila.

Dahil dito, hiniling ng MTPB sa mga tauhan ng MPD partikular ang mga may hawak ng ordinance violation receipt (OVR) na hulihin ang mga nasabing sasakyan na walang plaka gayundin ang mga sasakyan na may plakang may takip o sira dahil sa paglabag sa Code 01 o ang “unreadable plate number”.

Giit ni Viaje, makakatulong pa ang nasabing kautusan sa pagsugpo o pagpigil ng kriminalidad sa nasabing lungsod sakaling ipatupad na ito sa lahat ng kalye ng Maynila.

Facebook Comments