Wednesday, March 18, 2026

Mga sasakyan ng pulisya, inihahanda para sa libreng sakay ng mga commuter na maaapektuhan ng transport strike sa March 19

Inatasan ni Philippine National Police (PNP) chief General Jose Melencio Nartatez Jr. ang mga hepe ng lokal na pulisya na ihanda ang mga sasakyan para sa programang “Libreng Sakay” para sa mga commuter na maaapektuhan ng transport strike sa Huwebes, March 19.

Inatasan din ang mga opisyal na tukuyin ang mga estratehikong ruta upang mapalawak ang maaabot ng tulong ng pulisya, gayundin ang pakikipag-ugnayan sa mga organizer ng strike upang matiyak ang maayos na pagsasagawa ng protesta.

Nauna nang nagdeklara ang transport group na PISTON ng nationwide transport strike bilang tugon sa tumataas na presyo ng langis dulot ng tensyon sa Middle East.

Ayon kay Nartatez, naiintindihan niya ang concern ng public transport sector at umaasa siyang muli nilang isaalang-alang ang desisyon na magsagawa ng tigil-pasada dahil hindi ito ang tamang oras.

Gayunpaman, nakahanda ang PNP na panatilihin ang kapayapaan at kaayusan, pati na ang pag-assist sa mga bibiyahe.

Facebook Comments