Mga school bus, ginawang eskwelahan ng isang pamantasan sa Laguna upang mapadali ang pag-aaral ng mga estudyante sa pagbubukas ng klase ngayong araw

Ibat- ibang pamamaraan ang ginagawa ng State Universities and Colleges (SUCs) sa bansa upang gawing madali at magaan ang pag-aaral sa pagbubukas ng klase ngayong araw.

Ayon kay Commission on Higher Education (CHED) Chairman Prospero de Vera III, ilang SUCs ay namigay pa mismo ng tablet at mga gadget sa mga estudyante para makasali ang mga ito sa online learning.

Pero, kakaiba ang inobasyong ginawa ng Siniloan campus ng Laguna State Polytechnic University (LSPU).


Ginawang eskwelahan ng LSPU ang kanilang mga regular school buses para magamit ng mga estudyante ngayong araw.

Bawat bus ay may kapasidad na mag-accommodate ng 15 estudyante.

Bawat bus ay mayroong mga computer at internet connection.

Umiikot ang mga school bus sa mga munisipalidad kung saan may mga estudyante sila na walang gadgets at internet connection dahil sa financial limitations.

Nakatimbre na ito sa mga Local Government Unit (LGU) upang makapaglaan ang mga ito ng parking areas at sa pag-identify ng mga estudyante na gagamit sa E-learning bus.

Babalikatin naman ng mga LGU ang iba pang equipment at air conditioning unit.

Pinuri ng CHED Chairman ang LSPU sa ginawa nitong inisyatiba habang nasa pandemya ang bansa.

Facebook Comments