Mga screenshots at audio recording ng mga pagbabanta sa pamilyang Mabasa, naibigay na ni Sen. Risa Hontiveros sa PNP

Naibigay na ni Senator Risa Hontiveros kay Philippine National Police (PNP) Chief General Rodolfo Azurin ang mga screenshots at audio recording ng mga pagbabanta sa pamilya ng pinaslang na broadcaster na si Percy Lapid o Percival Mabasa.

Ngayon ding araw naibigay ng senadora sa PNP ang voice recording ng mga tawag sa cellphone at screenshots ng mga text message at sa social media kaugnay sa mga pagbabanta sa buhay at pangingikil na ginagawa ng isang hindi nagpakilalang indibidwal sa pamilya Mabasa.

Ayon kay Hontiveros, umaasa siya na magagamit ng mga otoridad ang mga ebidensya para sa masusing imbestigasyon sa kaso ng pagpatay sa mamamahayag.


Umaasa rin ang senadora na matutukoy at mapapanagot ang nasa likod din ng mga pagbabanta sa buhay ng pamilya Mabasa.

Matatandaang kahapon ay isinapubliko ni Hontiveros ang na-i-record na tawag ng anak na babae ni Percy gayundin ang mga texts at chat sa Facebook mula sa isang tao na nasa loob umano ng Bilibid at humihingi ng pera kapalit ng impormasyon sa ginawang pagpatay kay Lapid.

Umaapela rin si Hontiveros sa pamahalaan na bigyan ng mahigpit na proteksyon ang pamilya Mabasa na ngayon ay binubulabog ng mga pagbabanta at harassment.

Facebook Comments