Nababahala ang National Bureau of Investigation (NBI) at National Intelligence Coordinating Agency (NICA) na magdadala ng gulo sa Pilipinas ang posibleng pagtanggap sa 50 libong Afghan nationals na hiniling ng Estados Unidos na mabigyan muna ng temporary housing.
Sa pagdinig ng Senado, inihayag ni NBI Deputy Director Jose Yap na may pangamba silang may mga sympathizers ang Taliban partikular sa Southern Philippines.
Ganito rin ang pangamba ni NICA Director General Ricardo de Leon na posibleng gamitin itong pagkakataon ng mga terorista para makabyahe lalo na’t may isyu ang background checking sa mga Afghans na papasok sa bansa.
Ikinakabahala rin na posibleng mapasukan o mahaluan ang mga Afghan immigrants na pupunta rito ng mga terorista.
Sinabi naman ni National Commission on Muslim Filipinos Chief of Staff Atty. Manggay Guro Jr., na tutol sila dito lalo na sa pagreregroup at pagkakalap ng simpatya ng mga teroristang Isis o kanilang mga sympathizers na nanggulo noon sa Marawi dahil hanggang ngayon hindi pa nasosolusyunan ang mga residenteng naapektuhan sa Marawi siege.
Sa panig naman ng Department of Education (DepEd), sinabi ni Spokesperson Atty. Michael Poa na mariing tinututulan ni Vice President Sara Duterte ang pagtanggap sa bansa ng mga Afghan nationals sa mga isyu ng soberenya dahil ang US ang magve-vet o magsasagawa ng background check sa mga Afghans, nangangamba rin ang ahensya sa terorismo, at malaking katanungan din kung bakit sa Pilipinas dadalhin ang mga Afghans pero ang US government ay ayaw silang direktang tanggapin.