Manila, Philippines – Inabot ng apat na oras kagabi ang briefing ng mga security officials sa mga senador kaugnay sa gulo sa Marawi City na syang pinagbasehan ng idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte na martial law at suspensyon ng Writ of Habeas Corpus sa buong Mindanao.
Sabi ni Senator Francis Kiko Pangilinan, sa naturang briefing ay ipinagako sa kanila ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na ngayong weekend ay mababalik na sa normal ang sitwasyon sa Marawi City.
Ayon naman kay Gatchalian, ipinabatid sa kanila ni Lorenzana at ng iba pang matataas na opisyal ng Armed Forces of the Philippines na under control na ang sitwasyon sa Marawi.
Pero kailangan pa ring manatili ang martial law dahil nananatili ang banta na kumalat at makapanggulo sa ibang lugar ang grupong Maute.
Ikinagulat din ni Gatchalian ang impormasyong ibinigay ng mga security officials sa briefing na umaabot sa 500 ang kasapi ng Maute group na nanggulo sa Marawi City kabilang ang silent supporters ng grupo.
Sabi naman ni National Security Adviser Hermogenes Esperon na kasama din sa briefing, tanging si Pangulong Duterte lang ang makapagsasabi kung hanggang kelan mananatili ang martial law sa Mindanao.
Sinabi pa ni Esperon na hindi lang Maute group ang problema sa Mindanao, kundi kasama din ang Abu Sayyaf Group, New People’s Army at ibang armadong grupo at sindikato ng ilegal na droga.
Bunsod nito ay nanawagan si Esperon sa publiko na bigyang pagkakataon ang pag iral ng batas militar sa Mindanao para maresolba ang problema ng bansa sa terorismo at masagip ang buhau ng maraming pilipino.
Umapela din si Esperon sa publiko na pagtiwalaan ang AFP, ang PNP, mga security officials sa pagresolba ng krisis at tiniyak na hindi sila lalagpas sa itinatadhana ng konstitusyon ukol sa martial law.
DZXL558