Papayagan ang mga sementeryo na tumanggap ng mga bisita sa ilalim ng 30% ng kanilang kapasidad bago at pagkatapos ng Undas 2020.
Ito ang pahayag ng Metro Manila Council (MMC) kasabay ng ilan sa mga Pilpinong maagang dumadalaw sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay bago ipasara ang lahat ng sementeryo sa darating na October 29, 2020.
Ayon kay MMC Chairperson at Parañaque City Mayor Edwin Olivarez, papayagan lamang ang mga sementeryo na magbukas sa limitadong kapasidad bilang pag-iingat sa gitna ng banta ng COVID-19 pandemic.
Pagtitiyak din ni Olivarez na hindi mawawalan ng hanapbuhay ang mga vendors na naghahanapbuhay sa panahon ng Undas.
“Yun pong madi-dislocate na mga vendors po natin… ia-arrange po ng bawat local government ‘yan na makapagtinda po sila do’n sa prior ng [October] 29 saka after ng November 4 para hindi po sila mawalan ng hanapbuhay,” ayon kay Mayor Alvarez.
Nabatid na inaprubahan ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang pagsasara sa lahat ng sementeryo, kolumbaryo, at memorial parks mula October 29 hangang November 4, 2020.