Naniniwala si Marikina City Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro na upang malimitahan ang bilang ng mga taong bumibisita sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay, isasara na ng Marikina City Government ang apat na sementeryo sa lungsod.
Ayon kay Mayor Teodoro, 30% lamang ng kabuuan ng mga bumibisita sa apat na sementeryo ng Marikina ang pinahihintulutan na makadalaw.
Paliwanag pa ng alkalde, hindi umano maikakaila na banta pa rin sa atin ang COVID-19 at hindi ito mawawala.
Ang paghahawaan ay puwede umanong magkaroon pa ng mas maraming kaso kung magkakaroon ng mass gathering lalo na sa pagdalaw ng mga kababayan natin sa puntod ng kanilang mga namayapang mahal sa buhay.
Giit ni Teodoro, bibigyan nila ng window of opportunity ang mga gustong dumalaw mula October 15 hanggang November 30 kung saan magbibigay rin sila ng schedule sa pamamagitan ng mga cemetery administration para hindi magkaroon ng siksikan sa mga sementeryo.
Dagdag pa ng alkalde, ang kailangan lang nilang gawin ay kumuha ng one-time use cemetery pass mula sa sementeryo kung saan sila may yumaong mahal sa buhay.
Pagkatapos nito ay pipili sila ng petsa ng dalaw para ma-regulate ang 30% na visitor capacity para maisakatuparan ang social distancing.