Mga senador, binatikos ang “red-tagging” sa mga organizer ng community pantry

Hindi makapaniwala si Senate President Tito Sotto III, na ginigipit ang iba na tumulong sa kapwa gayong nahihirapan ang gobyerno na mamahagi ng tulong sa mga nangangailangan.

Pinayuhan naman ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto ang mga nagsasagawa ng “red- tagging” sa mga organizer ng community pantry na suriin ang kanilang puso dahil hindi ito ang kailangan para sa ganitong bayanihan projects kundi ambag na mga pagkain.

Giit naman ni Senator Joel Villanueva, suporta at hindi suspetsa ang dapat itugon sa mga community pantries na walang ibang layunin kundi ang tumulong sa kapwa kaya sa halip na paghinalaan ay dapat itong paulanan ng ibayong suporta.


Para naman kay Senator Sherwin Gatchalian, hindi na dapat pakialaman ng gobyerno ang community pantries na nagsisilbing inspirasyon ngayon at nag-iisang good news na lumalabas sa ilalim ng pandemiya kaya dapat hayaan na ang taong bayan mismo ang tumutulong sa kapwa.

Ipinaalala naman ni Senator Nancy Binay sa mga nagsasagawa ng “red- tagging” na ang kalaban ay gutom, at hindi ang tumutulong kaya tanong niya kung ganyan na ba ka-paranoid na pati ang pagtulong sa kapwa ay minamasama.

Sabi naman ni Senator Koko Pimentel, ang tungkulin ng gobyerno ay ang paalalahanan ang publiko na sundin ang health protocols at tumulong magpanatili ng kaayusan kung kailangan at hayaan ang pribadong sektor na tumulong sa kapwa.

Facebook Comments