Mga senador, bumoto rin sa BSKE 2023

Hindi rin nagpahuli sa pagboto ang mga senador para sa 2023 Barangay at SK Elections na ginanap kahapon.

Ilang mga senador ang umuwi at nagtungo sa kanilang mga lugar at lalawigan para makiisa at bumoto sa ginanap na halalan.

Kabilang na rito si Senator Jinggoy Estrada na bumoto sa Xavier School sa San Juan, Senator Risa Hontiveros na bumoto sa Barangay Matandang Balara sa Quezon City, Senator Raffy Tulfo sa Quezon City High School at Senator Sherwin Gatchalian na nakaboto rin sa Canumay West Elementary School sa Valenzuela City.


Samantala, si Senator Alan Peter Cayetano ay nakaboto sa Cipriano P. Sta. Teresa Elementary School sa Taguig, si Senator Ramon “Bong” Revilla Jr., sa Perpetual Village Covered Court sa Bacoor City, Cavite, si Senator Lito Lapid sa Porac Elementary School sa Pampanga at Senator Imee Marcos sa Cabeza Elementary School sa Laoag City, Ilocos Norte.

Habang si Senator Francis Tolentino ay bumoto naman sa Francisco P. Tolentino National High School sa Tagaytay City, at si Senator Cynthia Villar sa Las Piñas National High School sa Talon Dos, Las Piñas City.

Facebook Comments