Mga senador, dapat tumutulong sa pagpapataas ng kumpiyansa ng publiko sa COVID vaccine at hindi nakatutok sa mga pagdinig – Panelo

Maaaring kumbinsihin ng mga senador ang publiko na mabakunahan laban sa COVID-19 kaysa sa tumutuok sa pagsasagawa ng senate inquiries.

Ito ang pahayag ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo matapos lumabas sa isang survey na maraming Pilipino pa rin ang nag-aalangang tumanggap ng COVID-19 vaccines.

Hinihikayat ni Panelo si Senate President Vicente Sotto III na himukin ang kanyang mga kapwa senador na lumahok sa information drive hinggil sa kahalagahan ng pagpapabakuna.


“Senate President Sotto, siguro magandang bulungan ninyo yung mga kasamahan sa Senado na sa halip na kung ano-ano ang kinakalaykay nila sa issue ng bakuna, ‘yun na lang. Concentrate na lang doon sa information campaign. Urge people the trust the bakuna,” sabi ni Panelo sa kanyang programang “Counterpoint” noong Sabado.

Giit ni Panelo, mahalagang mabigyang kaalaman ang mga tao hinggil sa bakuna para hindi sila matakot na tumanggap nito.

Bukod dito, binanatan ni Panelo ang mga kritiko na walang ginawa kundi hanapan ng butas ang gobyerno.

Patuloy aniyang nagbibigay ng tulong ang gobyerno sa matinding tinamaan ng pandemya pero tila nagbubulag-bulagan ang mga kritiko rito.

Nakiusap si Panelo sa mga kritiko na tulungan ang gobyerno sa vaccination campaign.

“Kung kayo makapula, makapuna, maka-cirtaicize as if walang ginagawa ang adminsitrasyon Duterte. Palibhasa kayo nakarente lang kayo diyan, pa-enjoy enjoy lang sa mga buhay ninyo. Ang expertise ninyo mamula, magpuna, mangbola, mang-intriga. Doon kayo magaling,” banat ni Panelo.

Matatandaang naglunsad ang Senado ng pagdinig hinggil sa vaccination program ng pamahalaan, kung saan ilang opisyal ng gobyerno ang nasabon dahil sa pagbili at pamamahagi ng COVID-19 vaccine.

Ilang mambabatas ang nananawagan sa gobyerno na ilahad ang presyo ng mga bakuna pero hindi ito maaari dahil sa confidential agreement sa pagitan ng gobyerno at ng vaccine suppliers.

Facebook Comments