Mga senador, hindi humihiling ng COVID-19 vaccine mula sa Pfizer

Nilinaw nina Senate President Vicente “Tito” Sotto III at Senator Panfilo “Ping” Lacson na transparency sa pagbili ng bakuna ang hangad ng mga senador at wala sa kanilang humihiling ng COVID-19 vaccine mula sa Pfizer.

Reaksyon ito nina Senator Sotto at Lacson, makaraang sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte na mag-order ang gobyerno ng bakuna mula sa Pfizer para sa mga senador.

Ayon kay Sotto, salamat sa offer ng Pangulo pero huwag na dahil maaaring nabigyan ng maling impormasyon si Pangulong Duterte.


Naniniwala rin si Sotto na maging ang publiko ay hindi papabor na huwag ihayag ng pamahalaan ang mga hakbang nito kaugnay sa vaccination program.

Giit naman ni Senator Lacson, walang motibong politika sa kanilang pagdinig at tinutupad lang nila ang oversight functions na tiyaking nagagamit ng tama ang pondong pambili ng bakuna.

Paliwanag ni Lacson, lahat silang nakilahok sa pagdinig ay nais makakuha ng tapat at diretsahang sagot mula sa kinauukulang opisyal ng gobyerno na magagamit nila sa pagbalangkas ng batas sa hinaharap.

Subalit dismayado si Lacson na malabo, paiba-iba at paiwas ang mga sagot na ibinibigay sa kanila.

Ipinunto pa ni Lacson na mas mainam na magtulungan ang ehekutibo at lehislatibo sa paglaban sa korapsyon.

Ipinaalala pa ni Lacson ang mga pagdinig ng Senado ukol sa mga isyu ng anomalya sa iba’t ibang ahensya ay naging daan para masampahan ng kaso ang mga tiwaling opisyal ng pamahalaan at mapigil ang pagbulsa sa kaban ng bayan.

Facebook Comments