Mga senador, hindi kumbinsido na nasa second wave na ang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas

Ilang senador ang hindi kumbinsido sa inihayag ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III sa pagdinig ng Senado na simula noong Marso ay nasa second wave na ang pagkalat ng COVID-19 sa Pilipinas.

Ipinunto ni Senator Panfilo “Ping” Lacson na mismong medical experts ang kontra sa sinabi ni Secretary Duque dahil hindi pa nga natin nalalampasan ang first wave.

Nagulat naman si Senate Minority Floor Leader Franklin Drilon sa inihayag ni Duque na taliwas sa sinasabi ng ibang miyembro ng Inter-Agency Task Force (IATF).


Nag-aalala si Drilon na ang pahayag ni Duque at mga pagkukulang ng DOH ay magpapatindi lang sa tensyon o takot ng publiko.

Dagdag pa ni Drilon, ang paiba-ibang basic data na inilalabas ng DOH ay makakaapekto sa kredibilidad ng IATF na pinamumunuan ni Secretary Duque at maaaring mawala ang tiwala ng taong bayan sa kakayanan ng pamahalaan na labanan ang COVID-19.

Nauna nang nagpahayag ng pagdududa sina Senator Risa Hontiveros at Senator Francis “Kiko” Pangilinan sa pahayag ni Duque na nasa second wave na tayo ng COVID-19 outbreak lalo’t hanggang ngayon ay wala pang mass testing na ginagawa.

Maging si Committee on Health Chairman Senator Christopher “Bong” Go ay naniniwala din na wala pa tayo sa second wave at ito aniya ay dapat nating paghandaang mabuti dahil mahihirapan tayo kapag ito ay nangyari.

Facebook Comments