Nadismaya at nabahala sina Senators Nancy Binay at Imee Marcos makaraang lumabas sa pagdinig ng senado na 2,000 lamang ang testing kits ng Department of Health (DOH) para sa COVID-19.
Sa hearing ay sinabi ni DOH Medical Specialist Dr Alethea De Guzman ang 2,000 testing kits na hawak nila ay nananggaling sa World Health Organization (WHO) at Japan.
Tiniyak naman ni de Guzman na may parating pang 4,500 testing kits at humihingi na ang research institute for tropical medicines (RITM) ng 43-million pesos para sa iba pang pangangailangan kaugnay sa COVID-19.
Malabo naman para kay Marcos ang paggagamitan ng hinihinging 43 million pesos na bukod pa sa 2-billion pesos na hinihinging supplemental budget ng DOH.
Pinuna din ni Binay ang paraan ng pagpapakalat ng DOH ng impormasyon ukol sa COVID-19 kung saan mas nauuna pang magbigay ng detalye ang ibat ibang mga viber groups.
Paliwanag naman ni Dr Gemma Arellano ng DOH emergency operation center for COVID-19, ginagawa nila ang lahat para masiguro na tama o berepikado ang lahat ng impormasyon na ibibigay sa publiko.
Dagdag pa ni Arellano, nasa lima na ang investigation team ngayon ng doh na nagsasagawa ng contact tracing activities.