Mga senador, hindi pinalampas ang hamon ng isang alkalde na sila ay lumabas at tumulong ngayong may krisis dulot ng COVID-19

Tila pinasaringan ng mga senador si Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno matapos silang hamunin na lumabas at tumugon sa mga nangangailangan ng tulong dahil sa krisis na dulot ng COVID-19.

Umaasa si Senate President Vicente “Tito” Sotto III na mahihimasmasan at magkakaroon ng tamang katinuan ang mga naghahamon sa mga senador at umi-epal sa panahon ng COVID-19.

Ipinaalala pa ni SP Sotto, ang ginawa nilang pagpasa sa Bayanihan to Heal as One Act na nagpa-igting sa ayuda ng gobyerno sa mga Pilipino ngayong may krisis.


Diin pa ni Sotto, napakaraming mga senador na naka-quarantine man o hindi, ang walang patid na tumutulong sa mga nangangailangan ngayon nang hindi na nagpapa-media o nagyayabang pa.

Sinuportahan naman nina Senators Joel Villanueva at Sherwin Gatchalian ang pahayag ni SP Sotto dahil ngayon, anila, ang panahon para magtulungan at wala dapat mang-iiwan.

Giit naman ni Senator Panfilo “Ping” Lacson, mali na paratangan ni Yorme ang mga senador na walang ginagawa.

Diin ni Lacson, kaya may ipinamamahaging tulong ngayon ang gobyerno, kasama na ang Maynila, ay dahil sa pagganap ng mga senador sa kanilang mandato kung saan tinrabaho at pinagpuyatan nilang maipasa ang Bayanihan Act.

Diin naman ni Senator Manny Pacquiao, hindi patas na sabihan silang mga senador na walang ginagawa, dahil ang totoo kahit sila ay naka-quarantine ay tumutulong sila sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga pagkain at pagtugon sa mga pangangailan ng mga frontliners pero hindi na nila ipinangangalandakan pa.

Facebook Comments