Iginiit ng mga senador na hindi labag sa Konstitusyon ang gagawin ng Senado na pagdinig sa Lunes sa isyu ng prangkisa ng ABS-CBN na mapapaso na katapusan ng Marso.
Ito ay kahit hindi pa nagsasagawa ng pagdinig ukol dito ang Kamara at wala pang naiaakyat na desisyon sa Senado.
Giit ni Senator Panfilo Ping Lacson, wala silang magiging paglabag sa Konstitusyon basta aantayin nila ang inaprubahang bersyon mula sa Kamara bago maglabas ng committee report at bago ito ihain sa plenaryo ng Senado.
Para kay Lacson, mali rin na ikumpara ni Cayetano ang isyu sa prangkisa ng ABS-CBN sa panukalang Charter Change.
Bilang dating majority leader ay sinabi naman ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan, na dati ng ginagawa at naayon sa batas at parliamentary practice ang pagdinig ng Senado sa mga panukalang may kinalaman sa budget, buwis at prankisa kahit hindi pa kumikilos ang Kamara.
Sabi naman ni dating Senator Antonio Trillanes IV, hindi na dapat pinapaniwalaan si Cayetano dahil sa sampung sinabi nito ay labing-isa ang hindi totoo.