Mga Senador, idinepensa ang ipinasang bersyon ng “Bayanihan To Heal As One Act”

Ipinagtanggol ng mga Senador ang ipinasa nitong bersyon ng “Bayanihan To Heal As One Act” laban sa batikos nina House Speaker Alan Peter Cayetano at Party-list Congressman Mike Defensor na mahina ang panukala at hindi nabigyan ng tunay na emergency powers si Pangulong Rodrigo Duterte.

Hindi maunawaan ni Senate President Tito Sotto III ang puna ng mga Kongresista dahil inaprubahan naman nila ang bersyon ng Senado.

Diin pa ni Sotto, 18 oras nilang kasama sa senado ang mga miyembro ng gabinete mula sa paghahain sa panukala hanggang sa ito ay maipasa at walang naging pagkontra ang mga ito at sa halip ay pinuri pa ang kanilang bersyon.


Maging si Senator Panfilo Ping Lacson ay nagtataka din sa kritisismo ng dalawang Kongresista matapos nilang i-adopt ang bersyon ng Senado na pasado at ipinagpapasalamat ng mga Cabinet members.

Giit pa ni Lacson, ang bersyon ng Senado ay umaayon sa Konstitusyon at sa mga umiiral na Jurisprudence ukol sa pagbibigay ng kapangyarihan sa Pangulo.

Paliwanag naman ni Senator Sherwin Gatchalian, lahat ng ipinasok na amyenda ng Senado sa panukala ay ikinunsulta at inaprubahan ng Economic Team ng Malakanyang at ni Executive Secretary Salvador Medialdea.

Sabi ni Gatchalian, iniyak ng Executive Team na ang kanilang mga ammendments ay hindi nakapagpahina sa tunay na layunin ng panukala at sa halip ay napalakas pa nito ang kapangyarihan ng Pangulo.

Para naman kay Senate President Pro Tempore Ralph Recto, ang mahalaga ngayon ay inaprubahan ng Kamara ang kanilang bersyon at pipirmahan na ni Pangulong Duterte.

Facebook Comments