Manila, Philippines – Para kina Senators Chiz Escudero, Gringo Honasan at Ping Lacson, ang koordinasyon sa pagitan ng bawat bansa ang mabisang paraan para mapuksa ang mga teroristang grupo.
Pahayag ito ng tatlong Senador kasunod ng report na 1,200 na mga operatibang teroristang grupo ang nasa Pilipinas.
Sabi ni Escudero, una sa lahat dapat munang berepikahin ang nasabing impormasyon galing sa Defense Minister ng Indonesia.
Naniniwala si Escudero na kung totoo ang nasabing impormasyon ay nagpapakita ito ng kahalagahan para sa regional cooperation at paglalatag ng mekanismo para sa regular na palitan ng impormasyon ng mga intelligence agencies ng bawat bansa.
Diin naman ni Senator Honasan, problema ng buong mundo ang terorismo kaya dapag magtulungan ang international community laban dito.
Sabi naman ni Senator Lacson, hindi lang sa mga kalapit bansa dapat makipag-ugnayan ang Pilipinas patungkol sa isyung panseguridad kundi maging sa mga kasapi ng European Union at sa Estados Unidos.
Ayon kay Lacson, hindi lang dahil sa modern technology tila lumiliit ang mundo kundi dahil na rin sa Muslim extremism na naglalayong lumikha ng Islamic state sa mga bansa na sa tingin nila ay mahina at kaya nilang maimpluwensyahan.
DZXL558