Ayon kay Senate President Tito Sotto III, isang kawalan sa atin ang pagpanaw ni dating Pangulong Noynoy Aquino III at bilang dating presidente ay nagluluksa ngayon ang bansa anuman ang kinaanibang panig sa pulitika.
Inilarawan naman ni Senator Imee Marcos si PNoy bilang simple at mabuting tao na mami-miss niya lalo na ang kanilang pagiging magkasama sa Kongreso mula 1998 hanggang 2007.
Nakakadurog naman ng puso para kay Senator Ping Lacson ang pagpanaw ni PNoy na nagsilbi sa bansa nang may buong pagpapapakumbaba, karangalan at integridad.
Sobra rin ang dalamhati ni Senator Joel Villanueva dahil itinuturing niya si PNoy hindi lang bilang leader, kundi isang kaibigan, mentor at kapatid na rin.
Kahanga-hanga rin para kay Villanueva ang great achievements ng Aquino administration, mga matatapang nitong desisyon at moral leadership.
Pinuri naman ni Senator Sonny Angara ang mga reporma at polisya laban sa korapsyon ni PNoy at hindi rin malilimutan ang pahayag nitong “Walang wang-wang, walang counterflow, walang tong,” “Walang tongpats,” at “Kayo ang boss ko.”
Binanggit naman ni Senator Richard Gordon na pareho sila ng pangarap ni PNoy na maipagmalaki ang bansa at isulong at idepensa ang ating soberenya.
Diin naman ni Senator Grace Poe, ipinakita sa atin ni PNoy ang kahalagahan ng mabuting kalooban sa isang pinuno na walang pag-iimbot sa kapwa, malinis ang intensyon, at walang pagkagahaman sa kapangyarihan.