Mga Senador, may hinalang sinadya ang roof leak sa PhilHealth Region 1 office

Courtesy: via pinglacson.net

Base sa impormasyong natanggap ni Senator Panfilo Ping Lacson, ay lumalabas na hindi natural causes ang dahilan ng roof leak o malakas na pagtagas ng tubig ulan sa bubong ng PhilHealth office sa Region 1.

Napag-alaman ni Lacson, na bagong gawa ang PhilHealth office sa Region 1 at ang roof leak ay nangyari lang sa piling area kung saan isinasagawa ang inventory ng mga dokumento partikular sa IT at Accounting Departments.

Katulad naman ni Senator Christophe Bong Go, ay iginiit din ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri sa National Bureau of Investigation o NBI na siyasating mabuti ang nabanggit na insidente.


Diin ni Zubiri, posible na bahagi ito ng cover up o pagtatakip sa katotohanan at mga hakbang para guluhin ang imbestigasyon ukol sa mga anomalya sa PhilHealth.

May nagsabi naman kay Senator Francis Kiko Pangilinan na bukod sa Region 1 office ay sinisira na rin ang mga dokumento ng PhilHealth sa mga tanggapan nito sa Regions 3, 8 at 11.

Para kay Pangilinan, bukod sa gawain ito ng mga guilty, ay isa itong lantarang pambabastos sa resulta ng mga pagdinig ng Senado.

Kaugnay nito, ay hinamon ni Pangilinan si Health Secretary Francisco Duque na ipakita nito ang kaniyang liderato bilang Chairman of the PhilHealth board para i-secure ang mga dokumento ng ahensya.

Nanawagan din si Pangilinan sa mga Cabinet Secretaries na miyembro ng PhilHealth board na tumulong sa pag-iingat sa nasabing mga dokumento.

Facebook Comments