Mga senador na bomoto kontra sa ratipikasyon ng 2019 budget, nagpaliwanag

Manila, Philippines – Lima ang tumutol sa ratipikasyon ng mataas na kapulungan sa inaprubahang 2019 budget ng Bicameral conference committee na kinabibilangan nina Senate Minority Leader Franklin Drilon at Senators Panfilo Ping Lacson, Bam Aquino, Risa Hontiveros at Kiko Pangilinan.

Sa kanyang privilege speech ay binigyang diin ni Lacson na hindi niya kayang magbulag-bulagan, magbingi-bingihan at magsawalang-kibo sa nakita niyang sangkaterbang pork barrel na nakasiksik sa 2019 budget.

Itinuturing ni Lacson ang pork barrel na si Satanas na patuloy na umaakit sa kanila na isulong ang kanilang makasariling interes sa halip na tuparin ang sinumpaang tungkulin na bantayan ang kaban ng bayan.


Si Senator Drilon naman ay mariing itinanggi ang alegasyon na silang mga senador ay may tig-3 bilyong pisong alokasyon sa 2019 budget.

Kahapon lang inaprubahan ng Bicam ang 2019 budget kaya sabi ni Drilon wala silang sapat na panahon para mapag-aralan ito bago ratipikahan.

Apela ni Drilon sa publiko, bantayang mabuti ang implementasyon ng 2019 budget.

Paliwanag naman ni Senator Hontiveros, ang inaprubahang budget ng Bicam ay bunga ng political bullying ng Mababang Kapulungan na bigong magpaliwanag sa malalaking halaga ng alokasyon sa kani-kanilang mga lugar.

Katwiran ni Hontiveros, sa simula pa lang ay depektibo na ang national expenditure program na isinumite ng Department of Budget and Management (DBM) sa Kamara at higit namang puno ng problema ang bersyon ng budget na iniakyat sa kanila.

Dismayado si Hontiveros, dahil kahit anong pagsisikap ng Senado na mabura ang mga anomalya sa budget ay hindi ito nangyari dahil mas nanaig ang makalumang sistema ng kawalan ng transparency sa budgeting process.

Facebook Comments