Mga senador na nakasalamuha ni Secretary Lorenzana, negatibo sa COVID-19 antigen test

Negatibo sa COVID-19 antigen test ang mga senador na nakasalamuha ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na nagpositibo sa virus.

Ito ay sina Senate President Tito Sotto III, at sina Senators Ronald Bato dela Rosa, Francis Tolentino, Juan Miguel Zubiri, Sherwin Gatchalian, Joel Villanueva, Nancy Binay, at Sonny Angara.

Si Lorenzana ay nagtungo sa Senado noong Martes para sa budget deliberations ng panukalang pondo sa susunod na taon ng Department of National Defense.


At kahapon lamang Miyerkoles ay lumabas ang positibong resulta ng COVID-19 RT-PCR test nito.

Kahit negatibo sa antigen test, sinabi ni Sotto na sasailalim pa rin sila at ibang taga-Senado sa RT-PCR test sa Linggo o makalipas ang 5 araw ng exposure nila kay Lorenzana.

Kung magiging negatibo ang resulta ay balik na ang session nila sa Lunes na pansamantala munang sinuspinde.

Kaugnay nito ay isinailalim ngayong araw sa disinfection ang session hall at buong gusali ng Senado at mas hinigpitan pa ang patakaran para maging ligtas sa virus.

Kabilang sa ipapatupad sa lahat ng magtutungo sa Senado ang pagiging fully vaccinated, pagpresenta ng medical certificate at negative result ng COVID-19 test na isinagawa sa loob ng 24 oras.

Facebook Comments