Mga senador, nag-aalala para sa 11,000 empleyado ng ABS-CBN

Nagtatanong ngayon si Senator Nancy Binay kung ano ang plano ng gobyerno sa 11,000 empleyado ng ABS-CBN.

Kasunod ito ng pagbasura ng House Committee on Legislative Franchises sa aplikasyon ng ABS-CBN para sa franchise renewal.

Para kay Senator Richard Gordon, ang ginawa ng house committee ay makakaapekto sa Philippine freedom of information at hindi makakabuti sa bansa.


Ayon kay Gordon, ang pagtanggal ng lisensya sa ABS-CBN ay pagtanggal din ng trabaho sa 11,000 mga Pilipino na siguradong mahihirapang maghanap ng panibagong mapapasukan ngayong may COVID-19 pandemic.

Para naman kay Senator Francis “Kiko” Pangilinan, ang hatol na kamatayan sa operasyon ng ABS-CBN ay kamatayan din sa kabuhayan ng higit 11,000 nitong manggagawa at sa lahat ng mga tauhan nito at mga pamilya nila.

Dismayado si Pangilinan na ngayong may pandemya kung saan dapat mismong gobyerno ang nagbibigay ng oportunidad para makapaghanapbuhay ay aalisan pa ng trabaho ang 11,000 Pilipino.

Ipinaliwanag naman ni Senator Grace Poe na bagama’t hindi perpektong organisasyon ang ABS-CBN na aminado sa mga pagkukulang ay malinaw ang kabutihang naidulot nito sa taumbayan.

Iginiit ni Poe na ang tama at konstitusyonal na tugon ay bigyan ito ng pagkakataong ayusin ang sinasabing mga paglabag at pagkukulang katulad ng tsansang ibinibigay sa libu-libong aplikante ng prangkisa gaya nito.

Facebook Comments