Mga senador, nanawagan ng mas mabilis na proseso ng mass testing sa bansa

Ipinanawagan na ng mga mambabatas sa pamahalaan na maglabas na ng estimate na bilang kung ilan ang talagang dapat na isailalim sa COVID-19 test sa bansa.

Para kay Philippine Red Cross Chairman at Senator Richard Gordon, ito ay upang malaman na agad ang kinakailangang i-test at para mapabilis na ang proseso ng COVID-19 testing sa bansa.

Target ngayong ng Red Cross na makapagsagawa ng 8,000 COVID-19 test kada araw upang mas maraming suspected cases ang agad na matulungan.


Sa interview ng RMN Manila, laki naman ang paghihinayang ni Sen. Sonny Angara na hindi agad naging prayoridad ng pamahalaan ang mass testing.

Ayon kay Angara na isa sa mga gumaling matapos na dapuan ng virus, ang mabilis na mass testing ang daan sa pagtaas ng bilang ng mga recoveries at pagbaba ng COVID-19 death cases.

Kasabay nito, nanawagan ang senador sa mga gumaling na sa COVID-19 na mag-donate ng kanilang plasma na pinaniniwalaang malaking tulong para sa mga malubhang pasyente.

Samantala, sa interview ng RMN Manila, tutol si Sen. Imee Marcos na bawiin ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) hangga’t hindi bumibilis ang proseso ng COVID-19 testing at contact tracing sa bansa.

Giit ni Marcos, napakadelikadong bawiin na ang quarantine kung maraming COVID-19 positive na hindi pa nakikilala at hindi pa naa-isolate.

Isinusulong din ni Marcos na hindi na dapat patawan ng donors tax ang mga donasyon ng iba’t- ibang kompanya upang mabilis na makarating ang ito sa mga nangangailangan.

Facebook Comments