Patuloy ang buhos ng mensahe ng pakikiramay ng mga senador at panalangin para sa pamilyang iniwan ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.
Hinangaan ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto ang tapang at paninindigan ni PNoy at pagbigay nito ng timbang sa prinsipyo kesa pulitika kahit masakripisyo ang kanyang pakikipagkaibigan.
Diin naman ni Senator Christopher “Bong” Go, mataas ang respeto nila ni Pangulong Rodrigo Duterte kay PNoy na nakasama nila sa maraming mga okasyon lalo na sa kanyang pagtakbo bilang pangulo noong 2010 at nasilayan din nila ang kanyang tunay na pagmamahal sa kapwa Pilipino.
Sabi naman ni Senator Manny Pacquiao, ang pagmamahal ni PNoy sa bansa ay makikita sa ipinatupad nitong “Daang Matuwid” at “Kayo ang Boss Ko” na kailanman ay hindi malilimutan.
Nagpasalamat naman si Senator Koko Pimentel sa sakripisyo at sa selfless na abot ng makakayang serbisyo nito sa bansa.
Pawang magagandang alaala naman ang mayroon si Senator Cynthia Villar para sa dating pangulo.
Sabi pa ni Senator Villar, maraming mahahalagang mga panukalang batas ang isinulong ni PNoy at katulad ng kanyang mga magulang ay mananatili itong mahalagang bahagi ng kasaysayan ng ating bansa.