Mga senador, suportado ang pagrepaso sa prangkisa ng NGCP

Bukas ang mga senador na repasuhin ang prangkisa na iginawad ng Kongreso sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).

Bunsod na rin ito ng napapadalas na power interruptions sa maraming lugar sa bansa dahil sa pagpalya ng serbisyo sa mga transmission systems na dapat minimintina ng NGCP.

Ayon kay Committee on Public Services Chair Senator Grace Poe, ang paulit-ulit at napapadalas na power outages na nararanasan ng milyon-milyong mga kabahayan sa mga nakalipas na buwan ay hindi dapat maging karaniwan o parang normal lang na nangyayari.


Dapat aniyang palakasin ang pagbabantay sa power lines upang matiyak na ang tumatakbong kuryente mula Luzon hanggang Mindanao ay nananatiling nasa ilalim ng kontrol ng mga Pilipino sa gitna ng security concerns na inilatag ng mga senador.

Sinabi naman ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na may katwiran ang pagrepaso sa prangkisa ng NGCP kasabay ng hiling na dapat maging proactive ang gobyerno para matiyak na sapat ang suplay ng kuryente lalo ngayong papasok ang El Niño.

Facebook Comments