Inakusahan ni House Appropriations Committee Chairman Rolando Andaya Jr., ang mga senador na natatakot idetalye ang mga “pork allotments” na nakapaloob sa 2019 Proposed National Budget.
Ayon kay Andaya, mistulang may itinatago ang Senate Contingent kung bakit hindi nila maidetalye ang individual items ng mga senador sa pambansang pondo.
Sa kanilang parte sa Kamara, nanindigan ang mambabatas na legal at tama ang itemization na kanilang ginawa at sa ngalan ng transparency ay kanila itong ilalahad sa publiko pagkatapos mapirmahan ng pangulo ang pambansang pondo.
Iginiit din ni Andaya na hindi buo ang transparency ng mga senador sa 2019 budget dahil hindi nila ibinibigay ang buong detalye ng mga realignments nila sa mga naganap na bicameral meetings, informal meetings at sa naging pagpupulong nila kay Pangulong Rodrigo Duterte.