Walang pakialam ang mga Senador sa agawan ng liderato sa Mababang Kapulungan basta ang inaasahan nila ay maipasa ngayong linggo ang panukalang pambansang pondo sa susunod na taon kahit na sino ang House Speaker.
Pakiusap ni Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara sa mga Kongresista, ipasa na sa third and final reading ang 2021 budget para maipadala na sa Senado at kanila ng mapag-aralan.
Diin ni Angara, handa ang mga Senador na mag-special session kung kinakailangan para agarang maaprubahan ang budget.
Sabi naman ni Senator Imee Marcos, inihahanda na ng Senado ang pag-reschedule sa mga session at sa katunayan, handa silang gawin ito ng mas maaga sa November 9 kahit sa November 16 pa ang nakatakdang pagbalik ng kanilang plenary sessions.
Muli namang umapela si Senator Christopher Bong Go sa mga mambabatas sa Kamara na isantabi ang politika at personal na ambisyon at sa halip ay gampanan muna ang trabaho alang-alang sa bayan at sa kinabukasan ng mamamayang Pilipino.
Giit ni Go, kailangang pagsapit ng January 1, 2021 ay handa na ang aprubadong budget na sapat at angkop sa pangangailangan ng bansa para labanan ang pandemya, pasiglahin ang ekonomiya at tulungan ang mga pinakamahihirap at pinaka-nangangailangan nating mga kababayan.