Sinuportahan ng mga senador ang desisyon ng Ombudsman na imbestigahan si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III at iba pang opisyal ng DOH dahil sa umano’y mga iregularidad sa COVID-19 response.
Umaasa si Senator Panfilo “Ping” Lacson na hindi ito matutulad sa inihain niyang agricultural smuggling laban kina dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon na hanggang ngayon ay hindi pa inaaksyunan ng Ombudsman.
Diin ni Lacson at ni Senator Risa Hontiveros, sana ay mapanagot ng imbestigasyon ang mga dapat managot sa pagsasamantala sa COVID-19 crisis.
Dagdag pa ni Hontiveros, maraming dapat ipaliwanag si Duque at pagkakataon na ito para linisin ang kanyang pangalan, kasabay ang paalala sa mga executive officials na bagama’t sila ay itinalaga ng Pangulo ay may pananagutan sila sa mamamayang Pilipino.
Panawagan naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon sa Ombudsman, tingnang mabuti ang mga iregularidad at kapabayaan ng DOH, lalo na sa pagbili ng Personal Protective Equipment (PPEs) at hindi makatwirang presyo ng PhilHealth COVID-19 test package.
Ayon kay Drilon, ang mga pagkakamali ng DOH ay naglagay sa panganib sa buong bansa kaya dapat managot si Duque sakaling mapatunayang sumablay ito sa kanyang trabaho.
Sabi naman ni Senator Christopher “Bong” Go, karapatan ng taongbayan na malaman ang katotohanan kasabay ang pagbibigay diin na ang pondo para sa COVID-19 pandemic ay hindi dapat malustay sa katiwalian upang matiyak na mapapakinabangan ng taongbayan.