Monday, March 2, 2026

Mga senador, umapela sa gobyerno na gawin ang lahat ng paraan para sa mga pinoy na apektado ng pag-atake ng US at Israel sa Iran

Nanawagan ang mga senador sa pamahalaan na gawin ang lahat ng paraan para maibigay ang kailangang tulong at repatriation ng mga Pilipinong nagtatrabaho at naninirahan sa Middle East na apektado ng airstrike sa Iran.

Giit ni Senator Risa Hontiveros, kailangan may malinaw na contingency plans para sa ligtas na pag-uwi ng mga OFWs, pagtiyak na mayroon silang kabuhayan at ang posibleng epekto nito sa enerhiya, langis at suplay ng bansa.

Kinalampag ni Hontiveros ang Department of Energy (DOE) na magpatupad ng short-term safeguards habang bumubuo pa ng komprehensibo at pangmatagalang strategic plans.

Pinatitiyak din ng senadora ang katatagan ng energy security at pagbibigay proteksyon sa mga industriya laban sa posibleng pagtaas ng presyo at kakulangan ng suplay.

Hiniling naman ni Senator Kiko Pangilinan ang pagpapatupad ng fuel subsidy sa mga tsuper ng tricycle, jeep, at bus gayundin sa sektor ng ng mga magsasaka at mga mangingisda para sa mga traktora at bangka.

Nanawagan din si Pangilinan ng agad na pagpapatupad ng crisis protocol para sa dalawang milyong Pilipinong nagtatrabaho at naninirahan sa Gitnang Silangan kasama ang isang libong Pinoy na nasa Iran para sa mabilis at maayos na evacuation ng mga kababayan.

Facebook Comments