Pinayuhan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga senior citizen at mga Persons With Disabilities (PWDs) na huwag nang lumabas para personal na kuhanin ang ikalawang bugso ng emergency cash subsidies sa ilalim ng Social Amelioration Program.
Sa abiso ng DSWD, pinaalalahanan nito ang naturang mga bulnerableng sektor na magpadala ng mas bata at malusog na kinatawan para mag-claim o mag-withdraw ng SAP 2.
Bagamat digital na ang distribution sa ayudang pinansyal, mangangailangan pa rin ng pagpila sa mga payout centers para mag-cash out ng subsidies.
Ayaw na ng ahensya na maulit ang insidente noong first tranche ng SAP na nasawi ang ilang nakatatanda na pumila para kuhanin ang ayuda.
Tiniyak naman ng DSWD na ang mga social pension at ang P100,000 na cash gifts ay dadalhin mismo sa kanilang mga bahay bilang konsiderasyon sa nararanasan na health crisis.