Tutol din si senator Imee Marcos na pagbawalan na makalabas ang mga senior citizen sa ilalim ng umiiral na community quarantine.
Katwiran ni Marcos, base sa datos ng Department of Health ay mas maraming bata kaysa matatanda ang tinamaan ng COVID-19.
Dahil dito ay iginiit ni Marcos na kailangang pag-aralan ng husto at ipakita sa publiko ang detalyeng pinagbasehan bago gumawa ng anumang patakaran hinggil sa mga pagbabawal o mga quarantine restrictions.
Ipinunto ni Marcos na bagamat sinabi ng mga health expert sa buong mundo na mas madaling tamaan ng viral infection ang mga senior dahil sa mga sakit na taglay nila dulot ng katandaan, ay kakaiba naman ang sitwasyon ng mga matatanda sa Pilipinas.
Diin ni Marcos, silang mga senior citizen sa bansa ay buhay na pruweba na sila ay malakas pa ang pag-iisip at pangangatawan para labanan ang pandemic.
Bukod kay Marcos, ay nauna ng nagpahayag sina Senators Panfilo ‘Ping’ Lacson, Franklin Drilon, at Ralph Recto ng pagtutol sa pagbabawal na lumabas ng kanilang mga tahanan ang mga senior citizens dahil sa COVID-19.