Pinalilibre ni Quezon City Rep. Alfred Vargas ang mga senior citizen sa pagbabayad ng parking fee at pina-e-exempt din sa number coding scheme.
Sa House Bill No. 8599 o ang “Free Parking and Coding Exemption for Senior Citizens Act,” target na mabigyan ang mga senior citizens ng simpleng benepisyo bilang pagkilala sa kanilang mga kontribusyon sa pag-unlad ng bansa.
Sa oras na maisabatas, hindi na pagbabayarin ng parking fees sa lahat ng establisyimento ang mga sasakyang naka-rehistro sa pangalan ng senior citizen.
Para naman sa number coding, ang exemption ay para sa mga sasakyang minamaneho o may sakay na senior citizen.
Sinabi ni Vargas, Chairman ng House Committee on Social Services, habang tinututukan ngayon ng gobyerno ang kapakanan ng vulnerable sectors mainam na ring paghandaan ang post-pandemic recovery o sa panahon na malayang makakalabas ang mga lolo at lola.