Mga senior citizens at PWDs, pinabibigyan ng 20% discount sa mga binibili sa online ngayong pandemya

Inihirit ni Committee on Social Services Chairman at Quezon City Rep. Alfred Vargas na isama na sa mabibigyan ng 20% discount na itinatakda ng batas ang mga binibili sa online ng mga senior citizens at mga may kapansanan.

Iginiit ni Vargas na ngayong pandemya ay maraming matatanda at Persons with Disability (PWDs) ang bumibili ng kanilang mga pangangailangan sa online pero hindi nagagamit ang kanilang 20% discount.

Bunsod nito ay inihain ng kongresista ang House Resolution 1880 kung saan pinapalawig ang ibinibigay na pribilehiyo sa mga senior citizens.


Sa ilalim ng resolusyon ay hinihimok ang mga kaukulang ahensya na bumalangkas at magpatupad ng guidelines na magpapalawig sa diskwento ng mga senior citizens at PWDs para sa mga produktong binibili sa online.

Wala kasi aniyang malinaw na nakasaad na exemptions para sa online purchases sa ilalim ng Expanded Senior Citizens Act at sa Magna Carta for Persons with Disabilities.

Bukod dito, wala ring distinction kung ang pribilehiyo na 20% discount ay nai-a-apply sa parehong offline at online transactions.

Facebook Comments