Mga senior citizens, bibigyan ng diskwento sa passport application at renewal

Bibigyan ng diskwento sa pagbabayad ng kanilang mga passport ang mga senior citizens.

Ito ay nakapaloob sa inaprubahang substitute bill ng House Committee on Foreign Affairs na layong amyendahan ang “Philippine Passport Act of 1996” kung saan lilimitahan at sisimplehan ang mga requirements sa aplikasyon at pag-iisyu ng iba pang dokumento para makapaglakbay.

Ayon kay Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez, may-akda ng panukala, ginagarantiya ang pagbibigay ng 32% diskwento sa bayad ng mga senior citizens sa kanilang pasaporte at maging sa processing fees.


Bukod dito, hindi na rin oobligahin ang mga matatanda ng “personal appearance” dahil papayagan na sila sa online sa passport application at renewal.

Pinapayagan din sa ilalim ng panukala ang pag-i-isyu ng emergency travel document sa kahit sinong Pilipino na may urgent travel ngunit nawala o nag-expire na ang pasaporte.

Sinabi ng kongresista na napagkasunduan ng mga myembro ng komite na ilagay ito sa panukala bilang pagkilala sa yumaong kongresista na si Senior Citizen Partylist Rep. Francisco Datol Jr.

Samantala, nakapaloob din sa nasabing bill ang paglalagay ng mapa ng bansa kasama ang exclusive economic zone (EEZ) at ang Sabah upang maipakita sa mga banyaga ang matatag na claim ng Pilipinas sa ‘sovereign rights’ sa West Philippine Sea at sa nasasakupang teritoryo.

Facebook Comments