Kinumpirma ng Malacañang na pinagbibitiw na ni Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) President and CEO Dante Gierran ang lahat ng mga senior executive ng ahensya sa gitna ng kinakaharap na isyu dahil sa korapsyon.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, bagama’t hindi pa niya nakikita ang memorandum na inilabas ni Gierran, nakatanggap siya ng kumpirmasyon na hinihingi na nito ang courtesy resignation ng mga senior executives ng ahensya kasama ang mga vice presidents.
Aniya, walang dapat ikatakot ang mga hindi nasasangkot sa katiwalian sa PhilHealth dahil alam niya na ang desisyon ni Gierran ay ibabase sa hawak nitong ebidensiya.
Sa kabila nito, iginiit ni Roque na tutol siyang isapribado ang PhilHealth dahil magiging taliwas ito sa prinsipyo ng Universal Healthcare Law lalo na’t obligasyon ng gobyerno na mabigyan ang bawat Pilipino ng serbisyong pangkalusugan.
Una nang ipinanukala ni Roque noong siya ay mambabatas pa na mas maiging palitan na lamang ang PhilHealth ng isang ahensiya na kahalintulad sa United Kingdom’s National Health Service upang maiwasan ang katiwalian.