Hinikayat ni Senator Ramon Bong Revilla Jr., ang mga lolo at lola na mag-80, 85, 90 at 95 ngayong taon na magpalista na sa Office of the Senior Citizens Affair (OSCA) para matanggap pa rin nila sa susunod na taon ang cash gift na P10,000.
Ito’y matapos na lagdaan ni Pangulong Bongbong Marcos ang Republic Act No. 11982 kung saan maliban sa mga centenarian na umabot ng 100 taong gulang ay bibigyan na rin ng cash gift ang mga senior citizens na aabot ng edad na 80, 85, 90 at 95 anyos.
Paliwanag ni Revilla, hindi pa matatanggap ngayong 2024 ang cash gift dahil hindi naisama sa 2024 national budget ang pondo para sa expanded centenarians law pero ito ay retroactive naman o matatanggap pa rin sa susunod na taon.
Kaya ngayon pa lang ay hinihikayat niya ang mga senior citizens na magdiriwang ng kaarawan sa mga nabanggit na edad na magparehistro na ngayong taon para sa 2025 ay makukuha nila ang cash gift.
Mangangailangan aniya ng P2.2 billion na pondo para rito na maliit na bagay para masuklian ang mga nagawa at sakripisyo ng mga nakatatanda para sa ating bansa.