Tiniyak ng National Patient Navigation and Referral Center One-Hospital Command Center na tuloy pa rin ang kanilang serbisyo sa publiko sa gitna ng muling pagtaas ng mga kaso ng COVID-19.
Ayon kay Dr. Bernadette Velasco ng NPNRC One-Command Center, tuloy-tuloy ang kanilang libreng Tele-consultation o Tele-Medicine dahil kasama ito sa programa ng Department of Health (DOH).
Sa ilalim nito ay maaaring tumawag ang mga pasyente upang ma-i-endorso sa Tele-Medicine doctors at ma-assess kung anong gamot, laboratory test at kung ano pa ang dapat gawin ng pasyente.
Ayon pa kay Dr. Velasco, kapag may COVID-19 ang pasyente ay idinadaan din ito sa triage para matukoy kung dapat na itong itakbo sa ospital.
Maaari ding puntahan ng medical team ang pasyente para malaman kung pwedeng sa tele-consultation na lamang ipagpatuloy ang gamutan.