Ibinabala ni Senator Nancy Binay na maging white elephant o masasayang at matetenga lang ang mga eskwelahan at silid-aralan na ipapatayo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Sa budget hearing sa Senado, iginiit ni Binay na duplication na sa budget ng NTF-ELCAC ang pagtatayo ng mga eskwelahan o silid-aralan sa ilalim ng Barangay Development Program nito na pinaglaanan ng 16.4 billion pesos.
Punto ni Binay, hindi napag-isipan na kapag may eskwelahan, kailangan din ng mga guro, learning facilities, mga libro, at iba na kailangan ding pondohan.
Katwiran ni Binay, masasayang lang ang itatayong istraktura ng NTF-ELCAC kung walang teachers at pasilidad.
Giit ni Binay, ang budget para sa school buildings ay makabubuting ipaubaya sa kamay ng Department of Education (DepEd).
Diin ni Binay, mas tiwala ang Senado na higit ang kakayahan ang DepEd na magpatupad ng school building program kaysa isang task force.