Mga silid-aralan, posibleng magkulang kapag pinayagan na ang limited face-to-face classes sa lahat ng antas

Posibleng maging problema ang kakulangan ng mga silid-aralan kapag lahat na ng grade levels ay pinayagan nang makapagsagawa ng limited face-to-face classes.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Department of Education (DepEd) Usec. Nepomuceno Malaluan na sa ngayon ay sapat pa ang mga silid-aralan dahil limitado lamang ang bilang ng mga mag-aaral.

Maliban dito, tanging kindergarten hanggang grade 3 pa lamang at senior high school ang pinayagang makapagsagawa ng limited face-to-face classes, kaya nagagamit ang ibang silid aralan ng ibang grade levels na hindi pa naman nagbabalik klase.


Kasunod nito, kapag pinayagan na ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang pilot run ng limited face-to-face classes sa lahat ng antas ay posible silang magsagawa ng alternative weeks ng klase para ma-accommodate ang isang klase sa umaga at isa pang klase sa hapon.

Bukod dito, posibleng ang papasukin ng face-to-face ay yung kinakailangang tutukan ng mga guro pero yung mga nakakasunod ay pupwede na munang online o blended learning.

Facebook Comments