Iginiit ng isang pari ng Archdiocese of Manila na sumusunod naman ang mga simbahan sa mga ipinatutupad na health protocols para maiwasan ang COVID-19.
Ito ay matapos ang sinabi ng Palasyo na hindi dapat hikayatin ng simbahan ang publiko na balewalain ang protocols ng Inter-Agency Task Force kagaya ng pagbabawal sa mass gathering.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Fr. Douglas Badong, Parochial Vicar ng Quiapo Church na mula nang magpatupad ng lockdown noong nakaraang taon ay mahigpit naman silang sumunod at sinuspinde muna ang public masses.
Paliwanag pa ni Fr. Badong, mas ligtas pa nga sa loob ng simbahan kumpara sa mga mall dahil mahigpit ditong ipinatutupad ang health protocols at halos hindi naman umaalis ang mga nagsisimba sa kanilang puwesto.
Matatandaang kahapon ay naglabas ng pastoral letter si Manila Archdiocese Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo na nagpapahintulot na buksan muli sa publiko ang misa sa 10 percent capacity isang linggo bago ang paggunita sa Semana Santa.