Nilinaw ni National Defense Officer-in-Charge Undersecretary Carlito Galvez Jr., na wala pang napagkasunduan na pinal na lokasyon para sa pagtatayuan ng dagdag na apat na Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites.
Sa pagdinig ng Senado, tinanong ni Foreign Relations Committee Chair Senator Imee Marcos si Galvez kung ang nagbabadyang tension sa Taiwan strait ang dahilan ng paglalagay ng dagdag na EDCA sites na karamihan ay nasa Northern Luzon.
Inihayag ni Sen. Marcos ang pagkabahala ng mga local governments na madamay sa gulo o tensyong namumuo sa hilagang bahagi ng bansa matapos tukuyin na dalawang EDCA sites ang itatayo sa Cagayan habang isa sa Isabela at isa sa Zambales.
Mariin namang itinanggi ni Galvez na may napagkasunduan na silang mga lugar at pinasinungalingan din ng kalihim na may inilabas silang impormasyon na ang mga nabanggit ng senadora na lalawigan ang pagtatayuan ng mga military bases at facilities.
Paglilinaw ni Galvez, ang tanging napagkasunduan pa lamang ng militar ng bansa at Estados Unidos ay ang bilang pa lang ng idagdag na EDCA sites at hindi ang mismong lugar.
Katwiran pa ng Kalihim ang mga posibleng lugar na tinukoy na inaakalang sa EDCA ay mga lugar na napili umano para sa balikatan exercises.
Tumanggi naman si Galvez na pangalanan ang mga lugar na napipisil na pagtayuan ng apat na dagdag na EDCA sites.