
Wala na umanong aasahan ang mga Pilipino na may susulpot na bayaning gaya noong panahon ng pananakop para labanan ang makabagong hamon sa bansa.
Sa Pandesal Forum sa Quezon City, sinabi ng Historian na si Red Constantino, na kung ang hinahanap ngayon ay ang mga gaya ng Bonifacio at mga gerilya na lumaban sa hapon, wala na umanong makikitang ganito ngayon.
Ang kabayanihan aniya ay nasa kamay na ng makabagong henerasyon na nahaharap sa mga krisis na dinaranas sa kasalukuyan.
Ito ay maipapakita sa pamumuhay nang marangal at mamuhay ng di lang para sa sarili.
Sa gitna aniya ng mga kongkretong ebidensya ng malawakang korapsyon o pagnanakaw sa pondo ng bayan, mahalagang marinig ang boses ng mga ordinaryong tao na nagpapakita ng galit sa mga nagaganap na katiwalian.
Ayon naman sa historian na si Prof. Bernard Karganilla, sa gitna ng pagputok ng mga giyera sa mundo ngayon, walang magiging pakinabang ang Pilipinas kung papasok ang bansa sa giyera.
Nangangamba siya na kung sakaling lumapit na sa Asya ang giyera, hindi handa ang bansa at mauulit ang pighati, gaya ng pagkakaroon ng panibagong comfort women.










