Iginiit ni Senator Christopher “Bong” Go na mahalagang maipagpatuloy ng mga susunod na leader ng bansa ang mga programa at reporma na sinimulan ni Pangulong Rodrigo Duterte na para sa kapakanan ng mamamayang Pilipino.
Giit ni Go, ang eleksyon ay hindi lang para sa pagpili ng susunod na mamumuno sa bansa kundi ang pagpili ng makapagpapatuloy ng mga positibong pagbabago na inihatid ng Duterte administration.
Diin ni Go, sa kabila ng matitinding pagsubok na kinaharap natin ay kapuri-puri ang legasiya na iiwan ng administrasyong Duterte para sa bayan at sa mamamayan.
Pangunahing binanggit ni Go na kabilang sa achievements ng Duterte administration na mahalagang maituloy ay ang kampanya laban sa iligal na droga, kriminalidad, terorismo at korapsyon.
Tinukoy rin ni Go ang mga reporma sa pananalapi at pamamahala, gayundin ang pagsusulong ng kapayapaan hindi lang sa Mindanao kundi sa mga lugar na apektado ng pag-aaklas ng mga rebelde.
Ipinagmalaki din ni Go ang “Build, Build, Build” program at sa katunayan aniya ay sa panahon ni Pangulong Duterte nagkaroon ng Golden Age of Infrastructure kaya nakikita natin ngayon ang mga paliparan, daungan, tulay at mga daan na pakikinabangan ng mga susunod na henerasyon ng Pilipino.