
Nilinaw ng Department of Justice (DOJ) na hindi exempted sa pagsusumite ng kontra-salaysay o counter-affidavit ang sinumang respondent maliban na lamang kung mag-waive ang mga ito.
Pahayag ito ni DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez, kasunod ng pahayag ng counsel ni dating Senador Bong Revilla tungkol sa proseso ng preliminary investigation.
Sinabi ni Atty. Francesca Señga na tila naiwan mag-isa si Revilla sa mga respondent sa reklamong plunder matapos na ilagay sa Witness Protection Program (WPP) ang mga kapwa inireklamo na dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na sina Roberto Bernardo, Henry Alcantara, at Gerard Opulencia.
Ayon kay Martinez, kinakailangan pa ring magsumite ng counter-affidavit ang mga respondent kahit itinuturing na silang state witness. Bahagi rin aniya ng proseso sa ilalim ng WPP ang pagbibigay ng kopya ng Certificate of Materiality.
Aniya pa, saka lamang maiaabswelto at hindi na maisasama sa kaso ang isang state witness kapag kumpleto at pasado na sa pagsusuri ang mga kinakailangang dokumento.
Sa madaling salita, sinabi ni Martinez, maaabswelto lamang ang isang state witness kapag kumpleto ang dokumentasyon at nakapasa sa pagsusuri ng mga awtoridad.










