Cauayan City, Isabela- Tinatayang nasa 25 na mga dating kasapi ng New People’s Army (NPA) ang sumailalim sa livelihood training sa himpilan ng 95th Infantry ‘Salaknib’ Battalion na nakatalaga sa bayan ng San Mariano, Isabela.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Lt/Col. Gladiuz Calilan, Commanding Officer ng 95th Infantry Battalion, ilan sa mga sumailalim sa libreng pagsasanay ay mga katutubong agta at dumagat na nagbalik loob sa gobyerno.
Ito ay sa tulong na rin ng TESDA at Isabela School of Arts and Trades na layong matulungan ang mga nagbalik loob upang maturuan at magkaroon ng kaalaman para makapag simula ng panibagong buhay.
Ayon kay Lt. Col Calilan, tinuruan ang mga ito sa bread and pastry production upang mahasa ang kanilang kakayahan sa paghahanda at paggawa ng mga produktong panaderya, cake at dessert.
Sinanay rin aniya ang mga ito sa paggawa ng coated sugar peanut, banana at cassava chips at pastillas.
Naniniwala si Lt. Col Calilan na malaki ang maitutulong ng livelihood training sa mga sumukong NPA para sa kanilang pagbabago at pamumuhay ng normal.
Ayon pa kay Calilan, ilan sa mga ito ay nasa kanilang pangangalaga dahil mas pinili umano ng mga ito na manatili sa kanilang poder habang hinihintay na maibigay ang kanilang tulong sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (ECLIP) ng pamahalaan.
Patuloy naman ang kanilang massive information at paghuhulog ng mga leaflets katuwang ang TOG2 lalo na sa mga liblib na lugar na may presensya ng mga rebelde upang maipaabot at mapaalalahanan ang mga mamamayan na huwag pumasok sa kilusan ng NPA.