Nilinaw ng Philippine National Police (PNP) na hindi tuluyang ikukulong ang mga sumukong ex-convict na maagang napalaya dahil sa Good Conduct Time Allowance (GCTA).
Sa huling datos ng PNP, aabot sa 188 bilanggo ang sumuko kung saa 29 rito ay nag-turn over na sa BuCor.
Ayon kay PNP chief Oscar Albayalde – dadaan sa review at re-computation ang mga dating bilanggong susuko.
Palalayain din ang mga ito kapag napatunayang tama ang computation ng kanilang GCTA at naigawad ito ng walang anomalya.
Giit naman ni Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Commissioner Manuelito Luna – dapat ding tutukan ang mga napalayang recidivist o mga paulit-ulit na gumagawa ng krimen at mga habitual deliquent o mga pasaway.
Sinabi naman ni DOJ spokesperson, Undersecretary Mark Perete na natanggap na ng Bureau of Corrections (BuCor) ang preventive suspension ng Ombudsman laban sa halos 30 opisyal nito at effective immediately na ito.
Kasabay nito, hinihingan na ng paliwanag sa loob ng tatlong araw ng Ombudsman sina dating DILG Secretary Mar Roxas at Senadora Leila de Lima kung bakit bigo nilang tanggalin ang mga convicted sa heinous crimes sa mga makikinabang sa GCTA.