Mga Sumukong Rebelde sa Cagayan, Pinatunayan ang Pananamantala ng CPP-NPA

Cauayan City, Isabela- Nagkaisa ang nasa 150 na mga dating miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) sa Cagayan na sabay-sabay na nagbalik loob sa pamahalaan noong ika-19 ng Pebrero taong kasalukuyan upang isigaw ang pananamantala at ginawang panlilinlang ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) sa kanila.

Mula sa naturang bilang, 52 rito ay mga miyembro ng Militia ng Bayan (MB) mula sa Barangay Masi, dalawa (2) sa Barangay Bural, habang labing walo (18) naman ang nagmula sa Barangay San Juan, Rizal, Cagayan; labing anim (16) ang nanggaling sa Barangay Balagan, at dalawampu’t isa (21) sa Barangay Calassitan, Sto. Niño.

Labing siyam (19) na kasapi naman mula sa grupong Pambansang Katipunan ng Magbubukid (PKM); siyam (9) mula sa grupong MAKIBAKA at labing tatlo (13) mula sa KABATAANG MAKABAYAN ang kasamang tumaliko sa CPP-NPA.


Bilang patunay ng kanilang pagbalik loob sa pamahalaan ay kanilang sinunog ang bandila ng teroristang CPP-NPA na sumisimbolo sa pagtatapos ng paghihirap na kanilang naranasan mula sa kamay ng mga rebeldeng grupo.

Ang pagsuko ng 150 CTGs ay bunga na rin ng pagsusumikap ng 17th Infantry Battalion, 501st Infantry Brigade sa tulong ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan at ng Kapulisan na mapaliwanagan ang mga mamamayan sa panlilinlang ng teroristang grupo.

Sinabi naman ni Col Steve E Crespillo Inf (GSC) PA, Commander ng 501st Infantry Brigade, na ang kanilang ginawang pagkalas sa teroristang CPP-NPA ay napakalaking tulong upang matugunan ang problema sa insurhensiya sa kanilang mga lugar.

Facebook Comments