Inalerto ni 3rd Infantry Division Commander Brigadier General Inocencio Pasaporte ang kanilang mga tauhan bilang paghahanda sa pananalasa ng Bagyong Odette.
Aniya, kabilang sa mga nakaalerto ngayon ay ang Humanitarian Assistance & Disaster Response (HADR) teams mula sa 303rd Infantry Brigade, 62nd Infantry Battalion, 79th Infantry Battalion at 94th Infantry Battalion, maging ang mga reservists at auxiliary ready reserve units.
Sinabi ni Pasaporte, ide-deploy ang mga ito sa una hanggang ikalimang distrito ng Negros Occidental at una at ikalawang distrito ng Negros Oriental.
Sa ngayon, nakahanda na ang military field ambulance, military trucks at utility vehicles ng 303rd Infantry Brigade para magbigay ng kinakailangang tulong sa transportasyon at sa pagtugon sa kalamidad.
Sa abiso ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), nasa ilalim ng Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No.1 ang Negros Occidental at Negros Oriental.