Nananatiling mataas ang morale ng mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines-Western Command (AFP-WESCOM) sa gitna pambabraso ng China sa West Philippine Sea.
Ito ang iginiit ng dalawa sa mga sundalo na sakay ng supply boat na binomba ng tubig ng Chinese Coast Guard sa Ayungin Shoal nitong Agosto 5.
Sinabi ni Lieutenant Junior Grade Darwin Dawit sa gitna nang insidente ay hindi nauubusan ng lakas ng loob ang tropa ng gobyerno na patuloy na tuparin ang mandato na magbantay sa teritoryo ng bansa.
Ayon naman kay Lieutenant Junior Grade Richard Lonogan, wala nang hihigit pa sa kanilang ginagawa kundi ang makapaglingkod sa militar.
Una nang tiniyak ni AFP WESCOM Commander Vice Admiral Alberto Carlos na muli sila magsasagawa ng resupply mission makalipas ang dalawang linggo upang matiyak ang sapat na pagkain, tubig at iba pang pangangailangan ng mga sundalo sa BRP Sierra Madre.